Kabataang Pag-asa ng Bayan sa Panahon ng DotA (Talumpati sa panulat ni Julius Renomeron Jr.)


     Ok first post ko to in filipino. Project namin to sa Filipino course ko sa UST. Isang maikling talumpati for training sa future. Out of the 5 topics given ito yung pinaka-interesting para sa akin kasi for one may experience akong maglaro ng Dota at yes masasabi ko ring naging IMBA naren ako dati dito pero tinigilan ko lang kasi nakakasawa nga. Sa paglalaro ng DotA ako natutong tumakas ng school dati. Nakikisakay pa ko sa service ng mga kaibigan ko para lang maibaba ako sa CATHAY malapit sa FEHA noong second year high school. Kapag sa service ko kasi bawal papagalitan kasi yung driver. WALA PO KASING COMPUTER SHOP MALAPIT SA CAMPUS NAMIN BUNDOK PO KASI!

Medyo mahaba yung nasulat ko. By pairs kasi ako ang nagsulat tas partner ko magdedeliver sa harap ng class. Naawa ako sa partner ko kasi mahirap nga naman imemorize to within 5 days. May quizzes pa sila sa trigo kaya go figure. Numbers & letters combined is utter chaos. Don’t expect na malalim advised kasi na wag laliman yung composition. So eto yung view ko about DotA at sa kabataan ngayon.

“Sana lang ang pagkahumaling naming ito ay hindi makaapekto sa kalidad ng aming pagtatrabaho at panananaw sa buhay. Na hindi lahat ng pagkakataon sa buhay ay pedeng magkaroon ng rematch. Na ang pagkapanalo ay hindi nadadaan sa isang madugong trash talk at higit sa lahat hindi mo pwedeng laging sabihin na GG na sir.”

Kabataang Pag-asa ng Bayan sa Panahon ng DotA

     IMBA!, GG, RM at paminsan “Trash talk”. Yan ang mga salitang madalas marinig sa bawat computer shop na makikita mo rito sa Pinas. Adik kasi ang mga bata ngayon sa DOTA. Umaga, hapon, gabi at paminsan kapag walang pasok ay puyat kakalaro ng DotA.  Kahit wala pang almusal, kahit wala pang tanghalian at kahit wala pang ligo ay panay ang paglalaro ng DotA. Laman ng computer shop sa mga kanto, laman ng computer shop diyan sa may Dapitan. Huwag kayong magkaila karamihan dito sa klaseng ito ay nakapaglaro na ng DotA at parang parte na ng araw-araw na gawain ang paglalaro nito.

Ano nga ba ang DotA? Kung tutuusin isang custom map lang naman ito sa larong Warcraft 3 na isang sikat na real time strategy game lalong lalo na sa mga koreano. Sa laki na wala pang halos 10mb ay madadownload mo na ang DotA. Makapipili at makapaglelevel-up ka ng hero na gusto mo. Makapag-iipon at makapag-eekwip ng mga gamit upang mapalakas ang karakter mo at talunin ang kalabang grupo. Ang isang magandang laro ay madalas tumatagal ng hindi bababa ng 20 minutos at kung minsan ay may game 2 pa o game 3 o game 4 na siyang kumukunsumo ng napakaraming oras. Sa kalagitnaan ng isang nag-iinit na laro ay marami kang maririnig na mga salitang hindi na nga kanais nais ay ipagsisigawan pa sa tenga mo. Ito ay ang tinatawag nilang “pagtatrash-talk”. Hindi nga naman kasi kumpleto at masaya ang isang laro kung hindi mo naiintimidate ang mga kalaban mo.

Kung tatanungin mo ang mga kabataang lulong sa nakakaadik na larong ito kung anong magandang aral ang natututunan nila sa paglalaro nito, ang siguradong isasagot nila ay ang pag-iistrategy at teamwork. Ang pagpaplano ng mga taktika upang ma-ambush ang isa o napakaraming hero at ang pagtutulungan ng bawat isa upang maisagawa ito.  Ngunit sapat ba itong pag-iistrategy at teamwork upang magamit at maisabuhay ng mga kabataang sinasabing pag-asa ng bayan?

Hindi maipagkakailang ang pag-lalaro ng DOTA ay nakakaadik sa halos karamihan ng mga kabataan sa panahon ngayon. Sa maliit na halagang bente pesos ay maari ka na kasing makapaglaro ng isang oras sa computer shop na madalas na dahilan ng pagkakaubos ng baon ng mga bata sa eskuwela. Sa sobrang pagkakawili ay di narin namamalayan ang oras na kinukunsumo ng paglalaro na nagiging sanhi ng pagsasantabi ng mga gawain at hindi pagtapos ng mga ito. Ang mga homework ay madalas na hindi nagagawa sa oras at madalas na hindi nakakapasok sa mga klase dahil mas pipiliing maglaro kasama ang mga kaibigan sa computer shop.

Kung tutuusin ay mayroong kautusan na nagbabawal na magtayo ng computer shop malapit sa mga paaralan ngunit hindi naman ito nasusunod. Nakakatawa ngang isipin na kung saan pa may paaralan ay doon naman laganap at nagsusulputan ang napakaraming computer shop na ang kadalasang laman ay mga nagtutumpukang mga estuyante na imbes na gugulin ang oras sa pag-aaral sa mga nalalapit nilang exams ay mas pipiliin pang ubusin ito sa paglalaro. Kung ganitong eksena ang makikita mo araw-araw, ay parang nagdadalawang isip nako na kami nga ang pag-asa ng susunod na henerasyon.

Sa kabataan ngayon, hindi na ata sapat ang  pagsasabi  ng  “mag-aral ng mabuti”. Madaling sabihin pero ang gawin ito ay nangangailangan ng ibayong pagpupursigi at tiyaga. Sa dami kasi ng sagabal sa pag-aaral ngayon tulad ng DOTA, Internet at T.V., napakahirap na ifocus ang mga sarili natin sa iisang bagay lang. Kapag sobra ang pag-aaral ay ma-iistress ka. Kapag sobra naman ang paglalaro mo ay maaaring mapabayaan mo naman ang iyong pag-aaral at siyang maging dahilan upang bumaba ang mga grades mo. Ang lahat ng sobra ay masama, pede siguro nating ipasok ang pag-iistrategy dito. Pag-iistrategy hindi kung paano makapatay ng hero sa laro kung hindi kung paano mababalanse ang oras natin sa pag-aaral at paglalaro.

Kung ikaw naman ay maraming oras na bakante ay maari rin naman itong ilaan sa  pagsali sa mga grupo o organisasyong naglalayong tumulong sa mga higit na nangangailangan. Dito naman  maipapasok ang  balyu ng teamwork. Isang bagay rin na natututunan sa pag-lalaro ng DOTA. Ang pakikipagtulungan upang maiiangat ang estado ng isang bagay. Isang napakahalagang katangian na matutununan ng isang tao at nakakatuwang isipin na maari itong magsimula at makuha sa hamak na paglalaro lamang ng isang video game.

Naniniwala ako na kaming mga kabataan ang susi sa pag-unlad ng ating bayan sapagkat sa kami ang susunod na henerasyong  papalit sa kasalukuyan. Kami ang may potensyal na humubog ng isang bayan na sa ngayo’y puno ng kurapsyon at kasinungalingan. Sa pamumuhunan namin sa pag-aaral ay maaring isa sa amin dito ngayon ang maging susi ng pagbabago sa bansang Pilipinas.

May kasabihan nga na “Maaring iwanan ka ng girlfriend mo pero hinding hindi ng DOTA”. Hindi naman ganun ka perpekto ang larong DOTA sa totoo lang at mas lalong hindi ito habang buhay na nandyan . May kakaibang lasa lang talaga siguro ang larong ito kaya pumapatok sa mga kabataang Pilipino. Kung tutuusin sa ibang bansa tulad ng Amerika ay hindi naman ito gaanong pansin ng mga tao doon.  Mas kilala ang World of Warcraft doon. Paniguradong darating ang panahon at may papalit na bagong laro na mas kahuhumalingan naming mga kabataan. Walang masama sa pagkakalulon dito dahil kahit noong bago pa man ito sumikat ay nauna nang kinaadikan ang mga Brick Game at Game and Watch ng mga mas nakatatanda.

Sana lang ang pagkahumaling naming ito ay hindi makaapekto sa kalidad ng aming pagtatrabaho at panananaw sa buhay. Na hindi lahat ng pagkakataon sa buhay ay may rematch. Na ang pagkapanalo ay hindi nadadaan sa isang madugong trash talk at higit sa lahat hindi mo pwedeng laging sabihin na GG na sir.

sa panulat ni: Julius Renomeron Jr.
Advertisements